DARAGA, ALBAY—Muling bumalik ang sigla sa politika ng Daraga kasabay ng pag-anunsyo ni dating Mayor Victor Perete ng kanyang kandidatura para sa pagka-alkalde sa darating na halalan. Layunin niyang ipagpatuloy ang kanyang nasimulang “Viajeng Progreso,” na naudlot matapos siyang matalo noong 2022.
Ayon sa mga tagasuporta ni Perete, masasabing naging makulay ang nakaraang eleksyon dahil sa matinding kampanya ng kanyang kalaban upang makuhang muli ang posisyon. Konektado umano ito sa kontrobersyal na double murder case na kinasasangkutan ng kanyang katunggali, kaya kailangan nito na manalo talaga. Subalit ngayong nakakulong na ito at kung saan ang kanyang asawa na ang nilalaban, tila mas maluwag na ang daan para kay Perete na muling ibalik ang “Viajeng Progreso” para sa Daraga.
Si Perete ay hindi na bago sa mga matitinding laban sa politika. Matatandaang tinalo rin niya noon ang asawa ni dating Congressman Rodel Batocabe, na pumalit bilang kandidato matapos ang trahedyang pagpaslang kay Batocabe. Sa kabila ng mga kontrobersiya, marami pa ring Daragueño ang naniniwala sa kakayahan ni Perete na itaguyod ang kaunlaran ng kanilang bayan.
Maraming residente ang umaasa na muling maitatayo ang mga proyektong nakalinya sa ilalim ng “Viajeng Progreso,” kabilang na ang pagpapabuti ng imprastruktura, serbisyong pangkalusugan, at kabuhayan. Ayon sa ilan, nais na nilang alisin ang bigat ng nakaraang isyu at piliin ang kandidatong may malinaw na layunin para sa bayan.
“Gusto na naming mag-move on. Ang mahalaga ngayon ay ang progreso ng Daraga, at naniniwala kami na kay Mayor Perete, lawus na ang Viajeng Progreso,” wika ng isang residente.
Habang papalapit ang eleksyon, umaasa ang mga Daragueño na ang pagbabalik ni Victor Perete ay magdadala ng bagong pag-asa at tunay na kaunlaran para sa kanilang bayan.