Isang 6-anyos na batang lalaki ang nasawi matapos malunod sa ilog na nasa pagitan ng Barangay It-ba at Barangay Cawit sa Manito, Albay, nitong Sabado ng hapon, Enero 4, 2025.
Ayon sa ulat, bandang ala-1:00 ng hapon nang magpunta ang biktima, kasama ang kaniyang kapatid na babae at ilang kaibigan, upang maligo sa ilog. Napansin na lamang ng kaniyang mga kasama na nawawala na ang biktima matapos ang ilang sandali.
Ang biktima ay may kapansanan sa pagsasalita, kaya’t pinaniniwalaang hindi siya nakatawag ng saklolo habang nalulunod.
Bandang 2:35 ng hapon naiulat ang insidente sa Bureau of Fire Protection (BFP) ng Manito. Agad na nagsagawa ng paghahanap ang mga otoridad, ngunit natagpuan ang biktima na wala nang buhay.
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na mag-ingat sa mga ilog, lalo na sa mga menor de edad, upang maiwasan ang ganitong uri ng trahedya.
📸: BFP Manito
Leave a Reply