Manila, Philippines — Sa isang unanimous decision, tinanggihan ng Commission on Elections (COMELEC) En Banc ang Motion for Reconsideration (MR) na inihain ni dating Albay Governor Noel Rosal kaugnay ng kanyang diskwalipikasyon bilang kandidato para sa May 2025 elections. Ayon sa resolusyon, walang bagong argumento o ebidensyang inihain si Rosal na magpapabago sa desisyon ng Second Division na inilabas noong Disyembre 27, 2024.
Idineklara ng En Banc na pinal ang diskwalipikasyon ng dating gobernador batay sa Section 40(b) ng Local Government Code, na nagbabawal sa mga napatalsik sa tungkulin dahil sa administratibong kaso na tumakbo sa eleksyon. Dagdag pa rito, binigyang-diin na ang mga isyu sa MR ay mga inuulit lamang mula sa mga naunang talakayan.
Ayon sa isang abogado, kung walang Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Korte Suprema sa loob ng limang araw mula sa pagtanggap ng resolusyon, magiging pinal ang desisyon. Kapag naging pinal, aalisin ang pangalan ni Rosal mula sa opisyal na balota ng eleksyon sa Mayo 2025, dahilan upang hindi na siya makalahok sa darating na halalan.
“WHEREFORE, premises considered, the Commission RESOLVED to DENY the Motion for Reconsideration and AFFIRMS the Resolution of the Commission (Second Division),” saad ng resolusyon na pirmado ng mga commissioner, kabilang si COMELEC Chairman George Erwin Garcia.
Ang naturang desisyon ay nagbibigay-diin sa mahigpit na pagpapatupad ng batas-eleksyon, na layong tiyakin ang patas at maayos na proseso. Ang naging desisyon ay nagpapakita ng determinasyon ng COMELEC na ipatupad ang mga alituntunin laban sa mga kandidatong hindi sumusunod sa mga kinakailangang legal.
Leave a Reply