Simula ngayong Enero 1, 2025, nasa 80,000 ina sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang tatanggap ng karagdagang P350 buwanang ayuda. Ang naturang tulong ay bahagi ng First 1,000 Days (F1KD) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Layunin ng programa na suportahan ang kalusugan at nutrisyon ng mga ina at kanilang mga anak sa unang 1,000 araw ng buhay ng bata, isang mahalagang yugto ng kanilang pag-unlad.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, “Itong first 1,000 days na conditional cash grant ay magiging instrumental sa pag-eensure na ma-aaccess nung mga nanay, nung mga bata yung comprehensive healthcare services.”
Ang ayuda ay idadagdag sa kasalukuyang benepisyo ng 4Ps, na kinabibilangan ng P750 health at nutrition grant at mga educational grant mula P300 hanggang P700 kada buwan.
Upang maging kwalipikado, kailangang sumunod ang mga benepisyaryo sa prenatal care, post-natal monitoring, counseling sessions, at iba pang kondisyon alinsunod sa Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act (RA 11148).
Ang inisyatibo ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na labanan ang malnutrisyon at stunting sa mga bata, kasabay ng pagpapabuti ng kalagayan ng kalusugan ng mga ina.
Sana po isa ako sa makasali po sa 4ps tatlo po nag aaral Sakin at khit sa mga ayuda po galing sa governor khit isa hndi po ako makasali..pero umasa parin na balang Araw makasali man lng po ako at trabaho po Ng asawa ko ngayun is farmer at ako nman po Minsan nag lalabada kaya nag babakalasakali na mabigyan or makasali po sa program ninyo..salamat po sana po mabasa nyo Ang comment ko