Inihahanda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pag-update ng listahan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para sa 2024.
Aabot sa 1.2 milyong pamilyang Pilipino ang inaasahang idaragdag sa programa matapos makumpleto ang listahan ng mga naunang benepisyaryo na nakaahon na mula sa kahirapan.
Ayon kay Director Gemma Gabuya ng 4Ps National Program Management Office, titiyakin ng ahensya na ang mga pamilyang aalis sa programa ay patuloy na makakatanggap ng mga suportang serbisyo upang mapanatili ang kanilang magandang kalagayan sa buhay.
Nakikipagtulungan ang DSWD sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan upang magbigay ng kabuhayan at iba pang interventions na makakaiwas sa pagbabalik nila sa kahirapan.
Sa disenyo ng programa, kapag may mga pamilya nang nag-“graduate” o nakaahon na sa kahirapan, papalitan sila ng mga bagong benepisyaryo mula sa listahan ng mga naghihintay, na tinutukoy ng Listahanan 3 (National Household Targeting System for Poverty Reduction).
Ang hakbang na ito ay naglalayong panatilihin ang epekto ng programa sa pagbabawas ng kahirapan sa bansa. Ang 4Ps ay isang pambansang estratehiya para sa pagbawas ng kahirapan at pagpapalakas ng puhunan sa human capital.
Nagbibigay ito ng mga conditional cash transfers para sa kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0-18. Sa kasalukuyan, humigit-kumulang 4.4 milyong kabahayan sa buong bansa ang nakikinabang sa programang ito.
Leave a Reply